Isasailalim sa ballistic test ng PNP-Crime Laboratory ang nasa 3, 500 armas na kabilang sa mahigit 4,000 mga armas na nasamsam sa Comelec gun ban nitong katatapos na Mayo 9 national at local elections upang alamin kung nagamit ito sa krimen.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, ang nasabing polisiya ay base sa itinatadhana ng 2013 Revised Police Operational Procedures.
Alinsunod sa Rule 15.3 ng 2013 Revised Police Operation Procedures ay ipinasasailalim sa Mandatory Examination ang mga armas na nasamsam sa iba’t-ibang uri ng operasyon ng pulisya.
“This mandatory procedure, he said, is an investigative tool that seeks to establish the possible involvement of suspected firearms in previous shooting incidents”, ani Mayor.
Sa tala ng PNP, umaabot na sa 3,492 mga armas ang nasamsam sa loob ng apat na buwan matapos na ipatupad ang gun ban noong Enero 10 ng taong ito.
Ang naturang mga armas ay nakumpiska sa mga sibilyan, mga grupong banta sa seguridad at iba pa puwera ang mga nakuha mula sa mga miyembro ng law enforcement agency.
Nakasamsam rin ng 37,428 mga bala, 281 granada at 313 mga eksplosibo.
“The guns and ammunition we confiscated are enough firepower to arm five or six battalions of combat troops,” ani Mayor.
“By taking away these instruments of violence from criminal elements and lawless individuals, we were able to preempt imminent danger that may have marred the otherwise peaceful outcome of last Monday’s elections and save lives in the process,” sabi pa ng opisyal.
Sa kabuuan, umpisa noong election period noong Enero 10 hanggang kamakalawa ng gabi ng hatinggabi ay nasa 4,231 na ang mga nahuhuli sa gun ban kung saan ang pinaka- marami ang mga pasaway na sibilyan.
(Pilipino Star Ngayon)
0 comments:
Post a Comment